
Ang usapang “nepo baby” ay muling sumikat dahil sa Flood Control Scam na gumugulo ngayon sa bansa. Maraming tao ang galit dahil ang mga nepo baby—mga anak ng mga personalidad na dawit sa isyu—ay todo-post pa rin ng marangyang buhay sa social media habang sinasabing nauubos ang pera ng bayan.
Kung isa ka mang nepo baby o may pera ka lang at mahilig sa motorsiklo, may bago kang puwedeng paggastusan. KTM ay nagbukas na ng slot reservations para sa 2026 KTM 990 RC R Cup. May 35 slots lang para sa mga rider na may kakayahang sumali sa isang propesyonal, cost-controlled, at fair na racing series na iwas “checkbook racing.”
Ang six-round European calendar ay kasama ang ilang sikat na race tracks tulad ng Almería, Brno, Hockenheim, Misano, Red Bull Ring, at Most.
Para makasali sa KTM 990 RC R Cup, kailangan mong magkaroon ng 990 RC R (street-legal) o 990 RC R TRACK (pang-track lang), at dapat galing ito sa authorized KTM dealer. Ang full-season entry fee ay nagsisimula sa PHP 605,000, at may optional pa na technical-support package na umaabot sa PHP 333,000. Ang mismong 990 RC R ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang PHP 1.055M, hindi pa kasama ang buwis at shipping.
At dahil Europe ang venue ng buong serye, ang gastos sa travel, hotel, kain, at iba pang kailangan ay madaling lalampas ng PHP 5 million. Kaya kung isa kang nepo baby na naghahanap ng bagong paraan para mabilis masunog ang pera, bagay na bagay sa’yo ang cup na ito.




