
Ang Highway Patrol Group (HPG) ay nakasabat ng 7 unregistered luxury cars sa isang gas station sa NLEX, Marilao, Bulacan. Ayon kay HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, ang operasyon noong Nov. 17 ay isinagawa matapos ang tip mula sa isang concerned citizen tungkol sa mga sasakyang may improvised o walang plaka.
Natuklasan na ang mga sasakyan—kabilang ang Ferrari, Nissan GTRs, Toyota Supra, Toyota FJ Cruiser, Toyota Land Cruiser, at BMW—ay hindi rehistrado. Kinuha ng LTO ang mga ito habang patuloy ang pag-verify ng records. Iniimbestigahan din kung may koneksyon ang mga ito sa Discaya family, na iniisyuhan ng mga alegasyon tungkol sa tax at customs violations.
Ibinunyag ni Malang na may impormasyon silang natatanggap na posibleng ibinibyahe at ibinibenta ang ilang luxury cars na umano’y konektado sa pamilya. Pinagdududahan din kung may naganap na transaksiyon dahil tumagal nang higit isang oras ang mga sasakyan sa gas station.
Samantala, tatlo lamang sa pitong Discaya luxury cars ang nabenta sa BOC auction, na kumita ng ₱38 milyon mula sa target na ₱103 milyon. Kabilang dito ang Mercedes-Benz G63 AMG, Mercedes-Benz G500 Brabus, at Lincoln Navigator. Ang apat pang units gaya ng Rolls Royce Cullinan at Bentley Bentayga ay walang nakuhang bidders at rerepasuhin muli ang kanilang floor price.
Patuloy ang mas malawak na operasyon ng HPG at LTO laban sa unregistered vehicles, kabilang ang anti-colorum drive kung saan nakumpiska rin ang ilang commuter vans sa Southern Luzon.