
Ang daan-daang persons deprived of liberty (PDL) sa Malabon City Jail ay nagsagawa ng noise barrage nitong Huwebes ng hapon bilang protesta sa umano’y problema sa pagkain at magulong sistema ng dalaw. Naghagis pa sila ng mga gamit tulad ng bote at karton mula sa rooftop ng kulungan.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nagsimula ang ingay bandang alas-dos ng hapon at tumagal ng halos dalawang oras. Agad namang dumating ang mga opisyal ng BJMP at si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval upang makausap ang mga PDL at marinig ang kanilang mga hinaing.
Nangako si Mayor Sandoval na magbibigay ang Lokal na Pamahalaan ng Malabon ng food packs na naglalaman ng bigas, kape, at delata para sa halos ₱500 na PDL. Ayon sa alkalde, karapatan pa rin ng mga PDL na marinig at suportahan ng pamahalaan.
Samantala, sinibak na sa puwesto ang dating jail warden at pansamantalang pinalitan ni Jail Chief Inspector Lucky Dionisio. Ayon sa BJMP, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa reklamo ng mga PDL, lalo na’t ito na ang ikatlong noise barrage sa loob ng kulungan.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan ang mga reklamo upang matiyak ang maayos na kalagayan ng mga nakakulong.




