
Ang Typhoon Tino (Kalmaegi) ay nagdulot ng matinding pinsala sa Visayas at Mindanao, kung saan umabot na sa 82 katao ang kumpirmadong nasawi hanggang Miyerkules, Nobyembre 5. Ayon sa Cebu Provincial Disaster Office, 41 katao ang patay sa Cebu Province — kabilang ang mga mula sa Mandaue City, Compostela, Danao City, Talisay City, at Consolacion.
Ayon kay Dennis Pastor, patuloy pa rin ang pag-verify ng mga ulat mula sa iba’t ibang bayan. Sa bayan ng Liloan, may nadagdag pang 23 katao na nasawi dahil sa baha. Sa Cebu City, sinabi ni Mayor Nestor Archival na may 12 patay sa Barangay Bacayan matapos malubog sa baha ang Villa del Rio I subdivision.
Tinatayang 50 hanggang 60 bahay ang lubhang naapektuhan, at ilang sasakyan ang nagtambakan, dahilan para ma-trap ang mga residente. Ayon kay Governor Pamela Baricuatro, karamihan sa mga nasawi ay hindi sumunod sa preemptive evacuation bago tumama ang bagyo.
Bukod sa mga ito, kinumpirma ng Office of Civil Defense ang pagkamatay ng 6 na sundalo matapos bumagsak ang kanilang Super Huey helicopter sa Agusan del Sur. Ang grupo ay papunta sana sa Butuan City para magsagawa ng damage assessment.
Sa kabuuan, patuloy ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar sa Visayas at Mindanao. Libo-libong pamilya ang nawalan ng tirahan, at inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang pag-ulat mula sa mga lokal na awtoridad.




