
Ang co-founder ng Rockstar Games na si Dan Houser ay nagsalita tungkol sa kanseladong Trevor-focused DLC para sa Grand Theft Auto V (GTA V). Ayon sa kanya, halos kalahati na itong natatapos bago tuluyang itigil.
Sinabi ni Houser sa isang panayam na, “Hindi ito tuluyang nabuo. Mga kalahati pa lang ang natatapos nang ito ay i-abandon.” Dagdag pa niya, kung itinuloy nila ito, maaaring hindi na nila nagawa ang Red Dead Redemption 2, kaya kinailangan nilang mamili kung alin ang uunahin.
Ayon din sa aktor na si Steven Ogg, na gumanap bilang Trevor, nakapag-record na siya ng ilang parte para sa nasabing DLC. Ibinahagi niya na si Trevor sana ay magiging parang James Bond-style secret agent, at sinang-ayunan ito ni Houser.
Nagpahiwatig din si Houser na interesado siyang gumawa ng GTA zombie game sa hinaharap. Aniya, “Masaya siguro ‘yun. Gustung-gusto kong gumawa ng mga kwento tulad ng sa GTA IV at Red Dead Redemption, kung saan may mga dagdag na story packs.”
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung magkakaroon ng single-player DLC ang paparating na GTA VI, ngunit marami pa rin ang umaasa na babalik ang ganitong mga kwento sa susunod na laro ng Rockstar.




