
Ang KTM racing ay posibleng maapektuhan matapos iutos ng Bajaj Auto, ang mayoryang may-ari ng Austrian brand, na bawasan ng 50% ang gastos sa operasyon. Layunin ng hakbang na ito na maibalik sa maayos na kalagayan ang kumpanya matapos mapansin ang labis na paggastos sa iba’t ibang bahagi ng negosyo.
Ayon kay Rajiv Bajaj, managing director ng Bajaj Auto, kabilang sa target ng cost-cutting ang research and development, marketing, at operasyon. Sa kabuuang 4,000 empleyado ng KTM, humigit-kumulang 1,000 lang ang nasa aktwal na produksyon — kaya’t tinawag niya itong “hindi balanse at hindi sustainable” na sistema.
Binigyang-diin pa ni Bajaj na kailangan ng kumpanya ang disiplina sa operasyon at malinaw na value creation, imbes na puro paghabol sa valuation. Idinagdag din niya na nagdulot ng problema sa KTM ang labis na corporate greed sa pamunuan, na nagresulta sa mataas na gastos at risk sa pagpapalawak.
Habang pinatitibay ng Bajaj Auto ang kontrol nito sa parent company na Pierer Mobility AG, asahan ang mga pagbabago sa istruktura ng KTM. Ngunit kapalit nito, may pangamba na mabawasan ang pondo sa motorsport o racing activities bilang bahagi ng pagtitipid.
Kung tuluyang ipapatupad ang cost-cutting, inaasahang maaapektuhan hindi lang ang racing team kundi pati ang ilang proyekto ng KTM sa Europa. Ang hakbang na ito ay bahagi ng plano ng Bajaj na gawing mas epektibo at matatag ang operasyon ng kilalang brand.
			
		    



