
Ang TV host na si Kim Atienza ay emosyonal nang ikuwento niya ang araw na nalaman niyang pumanaw ang anak niyang si Emman. Sa panayam, sinabi ni Kim na dalawang araw bago mangyari ang insidente, nag-text si Emman sa kanyang ina na kailangan niyang pumunta sa therapy center ngunit walang kinalaman ito sa self-harm. Doon nila naramdaman na may problema na.
Sinubukan nilang tawagan si Emman nang paulit-ulit pero hindi na ito sumasagot. Ayon kay Kim, nasa Pilipinas siya noon habang ang kanyang asawa na si Feli ay nasa Florida para sa isang pickleball competition. Kinaumagahan, nakatanggap si Kim ng mensahe mula kay Feli: “I have terrible, terrible news.” Dito na raw niya naramdaman na may masamang nangyari. “Napaluhod ako, nanlambot tuhod ko, at nanlamig ako,” ani Kim.
Ibinahagi ni Kim na ang pagkawala ng anak ay isa sa pinakamasakit na karanasang hindi niya maipaliwanag. “Kahit bigyan ako ni Lord ng sakit gaya ng cancer, titiisin ko ‘yan. Pero ‘yung mawalan ka ng anak, hindi mo alam kung saan nanggagaling ang sakit,” emosyonal niyang pahayag.
Sa gitna ng matinding lungkot, pinanghahawakan ni Kim na may magandang dahilan sa likod ng lahat. Naniniwala siya na ang buhay ni Emman ay nagbigay inspirasyon sa marami, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. “Si Emman ay kilala sa kabaitan. Lagi siyang nagpapakalat ng ‘a little kindness,’” ani Kim.
Para kay Kim, may mas malalim na layunin ang nangyari. “Walang nangyayari nang aksidente. Alam kong may magandang dahilan si Lord. Emman did not die in vain,” pagtatapos ni Kim.
Kung ikaw o may kakilala kang may pinagdadaanan, tumawag sa NCMH Crisis Hotline 1553 o sa 0917-899-8727 / 0919-057-1553 para sa tulong.

