
Ang helicopter ng Philippine Air Force (PAF) ay nakita umanong nag-landing sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City nitong Miyerkules ng umaga bilang bahagi ng isang training exercise na isinagawa sa ilalim ng mahigpit na safety protocols, ayon sa pahayag ng PAF.
Ayon kay Col. Ma. Christina Basco, tagapagsalita ng PAF, ang Bell B-412 combat utility helicopter mula sa 205th Tactical Helicopter Wing ay sumali sa High-Rise Proficiency Training. Isa itong regular na pagsasanay ng Air Force katuwang ang mga institusyon na may matataas na gusali tulad ng St. Luke’s.
Ipinaliwanag ni Basco na ang ganitong mga training ay mahalaga para sa paghasa ng life-saving skills gaya ng aero-medical transport, high-rise rescue, at mabilis na pagresponde sa mga emerhensiya.
Tiniyak din ng PAF na ang lahat ng ganitong pagsasanay ay isinasagawa nang may mahigpit na pagsunod sa mga safety guidelines upang maiwasan ang anumang aksidente.
Layunin ng mga pagsasanay na ito na mapanatili ang mataas na antas ng kahandaan ng PAF upang mas mahusay na makapagbigay ng serbisyo sa publiko sa oras ng pangangailangan.




