
Ang korte sa Tarlac ay nagdesisyon na tuluyang kanselahin ang birth certificate ni dating Bamban Mayor Alice Guo, matapos niyang maghain ng motion for reconsideration na kalaunan ay itinanggi dahil sa kakulangan ng merito.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pinagtibayan ng Regional Trial Court Branch 111 ng Tarlac City ang naunang desisyon nitong pabor sa PSA at sa Office of the Solicitor General, na nagsumite ng petisyon noong 2024 para ipawalang-bisa ang dokumento ni Guo.
Sinabi ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na malaking panalo ito para mapanatili ang integridad ng civil registry system. Babala rin ito laban sa sinumang magsasagawa ng pandaraya o pamemeke ng dokumento, dahil may kaukulang parusa sa batas.
Dagdag pa ni PSA Legal Service Director Eliezer P. Ambatali, pinatunayan ng desisyon na tama ang naging proseso ng gobyerno sa pagpapatupad ng batas at pinatatag nito ang operasyon ng PSA laban sa mga posibleng manloloko.
Ang kaso ni Alice Guo ay naging isa sa pinakamalaking isyu sa politika noong 2024, matapos matuklasan ng NBI na tugma ang kanyang fingerprints sa isang Chinese national na si Guo Hua Ping, na nagdulot ng mga tanong tungkol sa kanyang tunay na pagkakakilanlan at pinagmulan.




