
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay tumutulong ngayon sa mahigit 200 Pilipino na nais umuwi mula sa tinatawag na “scam farms” sa Myanmar. Marami sa kanila ang nabiktima ng mga mapanlinlang na trabaho na kalaunan ay naging online scam operations.
Ayon sa DFA, hanggang Oktubre 24, may 222 aktibong request para sa repatriation o pagpapauwi. Sa bilang na ito, 66 Pilipino ang nakatakas at nakatawid papuntang Thailand, habang siyam naman ang kasalukuyang nasa proteksyon ng embahada sa Yangon.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa mga opisyal ng Myanmar para ayusin ang deportation process ng mga Pilipinong nasa temporary holding camps. Kasabay nito, tinutulungan din nila ang mga kababayang na-trap pa rin sa loob ng mga scam compounds.
Ayon sa mga ulat, maraming Pilipino ang inalok ng magandang trabaho ngunit pagdating doon ay pinilit magtrabaho sa scam operations, nagtatrabaho ng mahabang oras, may mababang sahod (katumbas ng humigit-kumulang ₱10,000 hanggang ₱15,000 kada buwan), at nakakaranas ng pang-aabuso at kulong.
Noong Abril 2024, 12 Pilipino na biktima rin ng ganitong operasyon sa Myanmar ang nailigtas at naipauwi. Sa Marso 2025, 176 Pilipino pa ang nakauwi mula sa Myawaddy, Myanmar.




