
Ang mga may-ari ng construction firm ay hindi na papayagang maging miyembro ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) bilang hakbang ng Department of Trade and Industry (DTI) para maiwasan ang conflict of interest, ayon kay Trade Secretary Cristina Roque.
Layunin ng bagong patakaran na linisin ang proseso ng pagbibigay ng lisensya sa mga kontraktor matapos madawit ang ilang flood control projects sa katiwalian. Ayon kay Roque, dapat ay may background sa construction ang mga magiging miyembro ng board, ngunit hindi dapat may-ari ng kumpanya.
Sa ilalim ng bagong patakaran, dadaan muna ang mga aplikasyon sa opisina ng kalihim bago aprubahan ng PCAB. Ito ay para masigurong nasusunod ang tamang proseso at maiwasan ang mga paboran.
Ang DTI ay nagmumungkahi rin na pagbawalan ang mga kamag-anak ng mga blacklisted contractors na kumuha ng lisensya. Kasabay nito, ipapatupad din ang mas mahigpit na guidelines bago aprubahan ang mga bagong aplikasyon, kaya naapektuhan ang ilang lehitimong negosyo.
Ayon kay Roque, nasa huling yugto na rin ang proseso ng pagbawi ng lisensya ng 15 malalaking kontraktor na sangkot sa mga flood control project na nagkakahalaga ng bilyong piso.




