
Ang provincial government ng Albay, sa tulong ni 3rd District Rep. Adrian Salceda, ay nag-alok ng P25,000 reward sa sinumang makapagbibigay ng kapani-paniwalang impormasyon na magtuturo sa mga pumatay kay broadcaster Noel Bellen Samar.
Si Samar, isang local radio commentator, ay binaril ng hindi kilalang suspek sa Maharlika Highway, Barangay Morera, Guinobatan nitong Lunes. Ayon sa PNP, may Special Investigation Task Group (SITG) “Samar” na itinatag para masolusyunan ang kaso.
Na-identify na ng pulisya ang motorsiklo na posibleng ginamit ng suspek at mag-a-apply sila ng search warrant base sa CCTV footage. Unang findings ng imbestigasyon ay posibleng may kaugnayan sa trabaho ni Samar bilang journalist ang pagpatay sa kanya.
Ang insidente ay ikinagalit ng local student journalists at media organizations. Sa joint statement, sinabi nila na ang pagpatay kay Samar ay direktang atake sa press freedom at panawagan ito na palakasin ang proteksyon para sa mga mamamahayag.
Tiniyak ng awtoridad na susundan nila ang lahat ng lead para matiyak ang hustisya para kay Samar at sa kanyang pamilya.




