
Ang Apple at Formula 1 ay pumirma ng limang taong eksklusibong streaming deal sa U.S. na nagkakahalaga ng halos ₱44 bilyon (katumbas ng $750 milyon). Magsisimula ito sa 2026 season at lahat ng Grand Prix, practice at qualifying ay mapapanood lamang sa Apple TV.
Kasama sa subscription ng Apple TV ang lahat ng F1 content nang walang dagdag bayad. Isasama rin dito ang mga feature ng F1 TV Premium para maging mas kumpleto at moderno ang karanasan ng manonood.
Matapos ang tagumpay ng pelikulang F1: The Movie, pinalakas ni Apple ang partnership na ito upang mas mapalago ang audience ng Formula 1 sa Amerika. Ang layunin ay maka-attract ng mas bata, mas may kaya, at mas tech-savvy na audience.
Ayon kay Formula 1 CEO Stefano Domenicali at Apple executive Eddy Cue, ang kanilang vision ay magdala ng mas malawak at interactive na karanasan. Plano rin ng Apple na gamitin ang iba pang serbisyo nila tulad ng Apple News, Apple Maps, at Apple Fitness+ para i-promote ang F1.
Sa paglipat mula sa tradisyunal na TV papunta sa eksklusibong streaming, isang malaking hakbang ito para sa Apple na posibleng baguhin ang paraan ng panonood ng Formula 1 sa U.S.




