
Ang Kalihim ng Katarungan na si Jesus Crispin “Boying” Remulla ang bagong Ombudsman ng bansa. Siya ang pumalit kay Samuel R. Martires na natapos ang termino noong Hulyo.
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatalaga kay Remulla noong Oktubre 7. Ayon sa Presidential Communications Office, sa pamumuno niya sa DOJ ay naisulong ang modernisasyon ng justice system, pagluwag ng mga kulungan, mabilis na pagresolba ng kaso, at mas malawak na access sa legal na serbisyo.
Binigyang-diin ng Malacañang na si Remulla, bilang dating mambabatas, gobernador, at abogado, ay nirerespeto dahil sa kanyang integridad at paninindigan sa serbisyo publiko. Inaasahang palalakasin niya ang laban kontra korapsyon, titiyakin ang transparency, at ipatutupad ang patas na hustisya.
Ayon sa 1987 Konstitusyon, ang Ombudsman ang namumuno sa paghawak ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga mabibigat na paglabag at reklamo na may kinalaman sa malaking halaga ng pera o ari-arian.
Magtatagal si Remulla sa kanyang posisyon ng pitong taon, hanggang taong 2032.