Ang isang lalaki sa Pagadian City ay arestado ng NBI matapos mag-post sa social media ng larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pulang arrow nakaturo sa ulo at may caption na “headshot.”
Mabilis na kumalat online ang naturang post at nagdulot ng iba’t ibang reaksyon. Dahil dito, agad itong inaksyunan ng NBI at naaresto ang lalaki. Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang salitang headshot ay nangangahulugang pamamaril sa ulo, kaya ito ay itinuturing na seryosong banta sa buhay ng Pangulo.
Depensa ng lalaki, wala raw siyang intensyon na manakit. Paliwanag niya, nagkamali lang siya ng caption dahil ang nais niyang tukuyin ay ang salitang “Bogo” sa larawan. Dagdag niya, sa Bisaya, iba ang kahulugan ng “bogo,” ngunit sa Tagalog, ang dating ay “bobo.”
Kasalukuyang naghahanda ang NBI ng kaso laban sa kanya tulad ng grave threat at inciting to sedition.
Paalala ng NBI, maging maingat sa mga ipinopost online, lalo na kung may kinalaman sa opisyal ng gobyerno. Anila, may freedom of speech at expression, pero kapag ang pahayag ay nagiging banta, ito ay may kaparusahan.