Ang isang Filipino-Japanese na negosyante, 39 anyos, ay naaresto sa Makati dahil sa umano’y “rentangay modus” o car rental scam. Sinilbihan siya ng warrant ng Anti-Carnapping Unit matapos ireklamo ng biktima na nawala ang kanyang sasakyan na isinangla ng suspek.
Isa sa mga biktima mula sa Tondo ang nagsabing malaking perwisyo ang pagkawala ng kanyang kotse dahil kailangan pa nilang mag-rent para may magamit araw-araw. Sila rin ang hinahabol ng bangko para sa hulog ng sasakyan. Lumabas din na dati nang may kaso ang suspek na may kinalaman sa carnapping noong 2021.
Bukod dito, higit sampung tao ang nagreklamo laban sa suspek matapos malaman ang kanyang pagkakaaresto. Ayon sa kanila, inalok sila ng investment sa buy and sell ng gadgets sa Japan. Patuloy umano itong humihingi ng pera hanggang umabot sa mahigit ₱77 milyon ang kabuuang nakuha.
Mariing itinanggi ng suspek ang mga paratang at iginiit na hindi siya sangkot sa carnapping at investment scam. Gayunpaman, may mga nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya sa Bulacan, Nueva Ecija, at Quezon City.
Kasalukuyan siyang nakakulong at mahaharap sa kasong carnapping, syndicated estafa, at bouncing checks. Nanawagan ang pulisya sa publiko na agad mag-report kung sila ay nabiktima rin ng kaparehong modus.