
Ang Bicol University sa Legazpi City, Albay ay agad nag-shift sa online classes at sinuspinde ang trabaho matapos makatanggap ng bomb threat ngayong Miyerkules, Oktubre 8. Apektado ang BU West, East, at Daraga campus.
Ayon sa pamunuan ng unibersidad, natanggap nila ang mensahe sa kanilang opisyal na social media page na may dalang tahasang banta ng bomba. Dahil dito, agad pinalabas ang mga estudyante at empleyado, na nagdulot ng siksikan sa gate at mabigat na trapiko sa paligid ng campus.
Rumesponde ang pulisya at ang kanilang Explosives and Ordnance Disposal unit upang magsagawa ng masusing inspeksyon. Sinabi ng BU na pansamantalang kanselado ang on-site classes at trabaho para sa kaligtasan at seguridad ng lahat.
Dagdag pa ng unibersidad, “Hindi namin binabalewala ang ganitong klase ng banta.”
Sa mga nakaraang araw, ilang paaralan din sa bansa ang nakatanggap ng kaparehong bomb threats, dahilan upang maging mas mahigpit ang seguridad.