Ang Bureau of Immigration (BI) ay nakahuli ng dalawang banyaga sa magkahiwalay na operasyon sa Iloilo at Guimaras dahil sa iba’t ibang kaso ng krimen at paglabag sa immigration.
Naaresto sa Barangay Rizal, Jordan, Guimaras si Boyd Monte Murray, 64-anyos na Amerikanong pugante na wanted sa U.S. simula pa noong dekada 1990. Kinasuhan siya ng theft, larceny, at iba’t ibang scam, kabilang ang paggamit ng mga pekeng ID tulad ng driver’s license at peke umanong CIA ID. Nadiskubre rin na matagal na siyang nagtatago sa bansa mula 2007 at posibleng naloko pa ang ilang residente sa Western Visayas.
Samantala, sa Mandurriao, Iloilo City naman nahuli ang Italianong si Antonino Consoli, 40 anyos. Inireklamo siya ng kaniyang asawang Pilipina dahil sa domestic abuse at tangkang pagpatay noong 2023. Ayon sa Italian police, may kaso rin siya ng bank fraud at tax evasion na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱180 milyon (3 milyong euro). Bukod pa rito, overstaying at undocumented na rin siya matapos mag-expire ang kaniyang visa at passport.
Parehong nakakulong sina Murray at Consoli sa BI Warden Facility habang inaasikaso ang kanilang deportation cases. Gayunpaman, posibleng kaharapin din nila ang mga kasong kriminal dito sa Pilipinas bago tuluyang maipadeport.
Ayon sa BI, si Murray ay ide-deport dahil sa pagiging undesirable alien, samantalang si Consoli ay dahil sa overstaying at illegal na negosyo.