
Ang insidente ng panghoholdap ay nangyari sa isang grocery store sa Barangay San Antonio, Quezon City noong Sabado ng gabi, Setyembre 27. Ayon sa imbestigasyon, dalawang lalaki ang pumasok at nanutok ng baril at ice pick sa kahera. Natangay nila ang humigit-kumulang ₱28,000 mula sa kita ng tindahan.
Agad na rumesponde ang pulisya matapos i-report ang insidente. Unang nahuli ang 20-anyos na nagsilbing lookout, na dating empleyado rin ng grocery. Siya ang nagturo sa dalawa pang kasabwat, edad 23 at 17, na kalaunan ay naaresto sa Barangay Vasra. Nakuha sa kanila ang isang replica ng .45 caliber na baril at ₱13,000 mula sa ninakaw na pera.
Nadawit din ang kahera, isang 21-anyos na nasa duty noong insidente. Lumabas sa imbestigasyon na siya umano ang mastermind at siyang nag-text sa mga kasabwat para simulan ang holdap. Inamin ng kahera at mga kasamahan ang krimen, at idinahilan nila ang matinding pangangailangan sa pera.
Kasalukuyan silang nakakulong sa Masambong Police Station, habang ang menor de edad ay na-turnover na sa Bahay Kalinga. Nahaharap sila sa mga kasong Robbery/Hold-up at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
			
		    



