
Ang San Lorenzo Ruiz General Hospital (SLRGH) sa Malabon ay nagbukas ng bagong anim na palapag na gusali na magbibigay ng mas maayos at mas mabilis na access sa serbisyong pangkalusugan para sa mga residente.
Mula sa dating 10 bed capacity, lumaki na ito sa 200 bed capacity na may sariling operating rooms, labor room, intensive care unit, surgery consultation room at emergency room.
Dating Level One, ngayon ay Level Two hospital na ito at handa nang magbigay ng mas kumpletong serbisyo tulad ng diagnosis at treatment ng iba’t ibang sakit, pangangalaga sa bata, operasyon, OB-GYN at anesthesiology.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, mas moderno at mas malawak na ang serbisyo ng ospital, kasabay ng mga programa ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kalusugan ng bawat Malabueño.
Binigyang-diin naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang ospital ay hindi lamang gusali, kundi tahanan ng pag-asa para sa mga pasyente. Aniya, patuloy ang kanilang pagsisikap na mapabuti ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino.