
Ang isang 37-anyos na lalaki ay arestado matapos makabangga ng mag-asawa na sakay ng motor sa Barangay Holy Spirit, Quezon City noong Biyernes ng gabi, Setyembre 26.
Nadiskubre ng pulisya na nakaw ang motor na gamit ng suspek. Lumabas sa CCTV na siya mismo ang tumangay nito ilang oras bago ang aksidente. Makikita sa kuha na wala siyang suot na helmet at nag-counterflow sa kalsada, dahilan para mabangga ang mag-asawa.
Dinala sa ospital ang mga biktima dahil sa tinamong sugat. Nang siyasatin sa Traffic Sector 5, nakumpirma ng tunay na may-ari na ang motor ng suspek ay kanya at ninakaw ito.
Ayon kay Police Captain Joseph Canlas, nakita sa CCTV na noong madaling araw ay tinutulak ng suspek ang isang motor bago ito tuluyang paandarin. Inakala ng may-ari na hiniram lang ng kamag-anak ang motor ngunit nakumpirma sa CCTV na ito ay ninakaw.
Taong 2018 ay nasangkot na ang suspek sa kasong malicious mischief. Depensa niya, isinangla lamang umano sa kanya ang motor sa halagang ₱35,000, at itinanggi niyang alam niyang nakaw ito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng Batasan Police at kakasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property and Physical Injury at paglabag sa New Anti-Carnapping Law.