
Ang Masbate ay nakatanggap ng dagdag na suplay ng gamot at mga health worker bilang tugon sa panganib ng sakit matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon kay Dr. Erick Raborar, medical director ng Bicol Regional Hospital, sobrang dami ng pasyente at kailangan ng karagdagang tulong ang mga doktor at nurse sa probinsya. “Nakita ko ang bigat ng trabaho ng mga doktor at kailangan silang tulungan. Nagpadala kami ng mga surgeon at susunod ang ibang doktor at nurse para maibsan ang kanilang gawain,” aniya.
Nagbigay din sila ng laparotomy packs, suplay para sa maternal at pediatric care, at tumulong sa problemang dala ng kawalan ng kuryente. Dagdag ni Raborar, kailangan ng mga ospital ng generator para tuloy-tuloy ang operasyon. “May pagkakataon na pinapatigil pa ang generator para makapagpahinga. Mabuti na lang at inaayos na ito para maging 24/7 ang serbisyo,” dagdag niya.
Karamihan sa mga naitalang kaso matapos ang bagyo ay trauma at injury dahil sa aksidente. “Kaya naunang ipinadala ang mga surgeon at orthopedic doctors,” paliwanag niya. Sa mga susunod na araw, inaasahan naman ang pagtaas ng kaso ng gastroenteritis, ubo, at iba pang respiratory illness. Naghahanda rin sila laban sa leptospirosis.
Idineklara ang state of calamity sa Masbate matapos ang matinding pinsala ng Bagyong Opong, kung saan higit 600,000 residente ang nawalan ng kuryente.