
Ang Bise Presidente Sara Duterte ay muling nag-akusa na kinidnap ng ICC ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa pagtitipon ng mga Pilipino sa Nagoya, Japan noong Setyembre 21, binanggit niya ang paghahain ng interim release ng dating pangulo pero agad niyang idiniin na inaabuso ng ICC ang kanilang kapangyarihan.
Ayon kay VP Sara, dapat ay sa korte sa Pilipinas dinadala ang taong may warrant of arrest, hindi basta kinukuha at dinadala sa The Hague. Giit niya, “Kinidnap nila si dating Pangulong Duterte, pang-aabuso ito.” Dagdag pa niya, karapatan ng akusado na litisin sa sariling bansa.
Mga naunang salita ni VP Sara gaya ng pagbibiro tungkol sa “jailbreak” ay ginagamit ngayon laban sa kanilang pamilya. Sa dokumentong inilabas noong Setyembre 12, binanggit ng ICC prosecutor na patuloy na hindi kinikilala ng pamilya Duterte ang legal na proseso. Dahil dito, pinangangambahan na kapag pinalaya pansamantala ang dating pangulo, mas lalaki ang tsansa na maimpluwensyahan niya ang kaso.
Depensa ni VP Sara, walang dapat ikatakot sa flight risk dahil 80 taong gulang na ang kanyang ama at kusang bumalik sa Pilipinas mula Hong Kong noong Marso. Aniya, paulit-ulit nang sinabi ng dating pangulo na gusto niyang mamatay sa Davao City.
Noong Marso, inaresto si Rodrigo Duterte at dinala sa The Hague kaugnay ng kaso ng crimes against humanity mula sa kanyang war on drugs. Batay sa datos ng pulisya, mahigit ₱6,000 ang namatay pero ayon sa human rights groups, maaaring umabot ito sa halos ₱30,000, kabilang ang mga inosenteng sibilyan.