
Ang Bagyong Opong (Bualoi) ay lumakas na bilang tropical storm nitong Miyerkules, Setyembre 24. Kasalukuyan itong nasa silangang dagat ng Mindanao at inaasahang makaapekto sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.
Umaga ng alas-4, natukoy ang sentro nito sa layong 855 kilometro silangan ng hilagang Mindanao. Taglay nito ang hangin na umaabot sa 65 kph malapit sa gitna at bugso na hanggang 80 kph, habang kumikilos pakanluran-timogkanluran sa bilis na 20 kph. Ayon sa PAGASA, ang malalakas na hangin ay umaabot hanggang 400 km mula sa sentro.
Wala pang itinaas na wind signal ngayong umaga pero posible nang itaas ang Signal No. 1 mamayang hapon sa Mindanao, Eastern Visayas, at Bicol Region. Posibleng umabot sa Signal No. 3 ang pinakamataas na babala dahil maaari pang lumakas bilang severe tropical storm.
Posible ang malalakas na ulan simula Huwebes, Setyembre 25, at maaaring magdulot ng storm surge sa mga mabababang baybayin ng Southern Luzon at Eastern Visayas. Inaasahan din ang habagat na magdadala ng malalakas na hangin sa Luzon, Western Visayas, Surigao del Norte at Dinagat Islands.
Sa darating na Biyernes, Setyembre 26, inaasahang tatama sa Bicol Region si Opong at tatawid sa Southern Luzon hanggang Sabado ng umaga. Posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Sabado ng gabi o Linggo ng madaling-araw.