Ang dalawang Taiwanese na sina You-De Zeng at Hou-Lin Pan ay nahuli sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa illegal recruitment ng mga Pilipino papuntang scam hubs sa abroad.
Sa operasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), limang Pilipinong workers ang nailigtas. Pinangakuan sila ng trabaho bilang customer service representatives sa Cambodia na may sahod na humigit-kumulang ₱58,000 kada buwan.
Pero ayon sa mga awtoridad, peke ang mga trabaho at bahagi ito ng cyberfraud operations. Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, “Ang pagkakahuli sa mga illegal recruiter at human traffickers ay malinaw na mensahe na poprotektahan namin ang mga Pilipino laban sa pagsasamantala.”
Kasong illegal recruitment at human trafficking ang isasampa laban sa dalawang Taiwanese. Samantala, tutulungan ng gobyerno ang mga nailigtas na Pilipino na na-recruit sa pamamagitan ng social media at messaging apps.
Tiniyak din ng DMW na tuloy-tuloy ang kanilang hakbang para wakasan ang mga recruitment scheme na konektado sa mga scam hubs sa ibang bansa.