
Ang dating DPWH district engineer na si Henry Alcantara ay nagsiwalat na ng mga pangalan na sangkot umano sa kickback schemes sa Bulacan. Ayon sa kanya, kabilang dito sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, ex-Sen. Bong Revilla, Rep. Zaldy Co, at ex-Rep. Mitch Cajayon.
Sinabi ni Alcantara na si Usec. Roberto Bernardo ang naging middleman sa pagitan ng mga lokal na opisyal at mga pulitiko. Ayon sa kanya, noong 2022, nag-request si Villanueva ng multi-purpose building na nagkakahalaga ng ₱1.5 bilyon, ngunit ₱600 milyon lang ang inilabas mula sa flood control funds. Dagdag pa niya, personal niyang dinala ang ₱150 milyon sa isang resthouse para sa staff ni Villanueva na kilala lang bilang “Peng.”
Noong 2024, sinabi ni Alcantara na gumawa siya ng listahan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng ₱355 milyon para kay Estrada, na umano’y may 25% na kickback. Dagdag pa rito, binanggit ni Bernardo na ang ₱300 milyon na GAA insertion noong 2024 ay para kay Revilla.
Mula 2022 hanggang 2025, si Rep. Zaldy Co umano ay nagpasok ng pondo na umabot sa halos ₱35 bilyon para sa Bulacan. Ayon kay Alcantara, 20% ang hinihinging kickback ni Co. Noong 2022, kuha ni Co ang ₱519 milyon bilang parte niya, na mismong umabot sa DPWH office.
Kasama rin umano si ex-Rep. Mitch Cajayon, na tumanggap ng 10% cut, at si COA Commissioner Mario Gonzales Lipana, na pinaniniwalaang umabot sa ₱1.4 bilyon ang kickback. Ayon kay Alcantara, hindi niya alam kung paano nakolekta ni Lipana ang pera, ngunit binanggit niyang contractor ang asawa nito.