
Ang Sumbong sa Pangulo website ay nakatanggap na ng 16,275 reklamo tungkol sa mga proyekto sa imprastraktura. Lahat ng ito ay ipapasa sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI), na binuo para imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naglunsad ng website noong Agosto para mabigyan ng boses ang publiko sa pagsumbong ng mga hindi gumaganang proyekto o mga ghost projects. Ang ICI, na pinamumunuan ni dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., ay magsisiyasat sa mga proyekto nitong nakalipas na 10 taon na may posibleng bahid ng korapsyon.
Kasama rin sa ICI sina dating DPWH secretary Rogelio Singson, Rossana Fajardo ng SGV, at Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser. Samantala, nagkaroon ng palitan ng salita sina Presidential Communications Undersecretary Claire Castro at Vice President Sara Duterte matapos punahin ng bise presidente ang aksyon ng Pangulo.
Para kay dating senador Richard Gordon, ang ICI ay dagdag na burokrasya lamang. Aniya, sapat na ang mga ahensya tulad ng DOJ, NBI, COA at PNP ngunit hindi lang gumagana nang maayos. Hinimok niya ang pamahalaan na agad na mag-file ng kaso, i-freeze ang bank accounts, at kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga sangkot, kasama na ang natanggal na Bulacan engineer Henry Alcantara.
Binigyang-diin din ni Gordon ang pangangailangan ng bagong Ombudsman na may integridad at tapang upang masigurong makakamit ang katarungan, imbes na gumawa pa ng panibagong mga ad hoc na komisyon.