Ang isang pulis ang napatay at isa pa ang sugatan matapos pagbabarilin ng kanilang kasamahang pulis sa checkpoint sa Brgy. Gaddangao, Rizal, Cagayan bandang alas-10 ng gabi noong Sabado, Setyembre 13.
Kinilala ang nasawi na si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Danilo Binondo mula Piat, Cagayan. Sugatan naman si PEMS Manuel Deodato mula Rizal, Cagayan. Ang suspek ay isang Senior Master Sergeant na taga-Tuao, Cagayan.
Ayon sa imbestigasyon, tinutukan ng suspek ang isa pang pulis gamit ang long firearm. Nilapitan siya ng mga biktima, ngunit sila ang binaril. Isinugod sa ospital ang dalawa pero dead on arrival si Binondo, habang nagpapagaling na si Deodato.
Matapos ang insidente, nagtangkang tumakas ang suspek pero kalaunan ay sumuko sa kanyang hepe. Sa ngayon, iniimbestigahan pa ang motibo ng pamamaril.
Nagbigay naman ng tulong at pagbisita si Police Regional Office 2 Director PBGen. Roy Parena sa mga biktima at kanilang pamilya.