
Ang ilegal na paggamit at pagbenta ng import license para sa smuggled goods ay patuloy na sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka, ayon sa imbestigasyon ng Senado. Lumabas na may mga kumpanya na pinauupahan ang kanilang lisensya para sa mga shipment na hindi naman kanila.
Sa pagdinig, inamin ng may-ari ng Berches Consumer Goods Trading na pina-renta nila ang kanilang import license kapalit ng maliit na bayad. Sa halip na kumita ng ₱3,000 hanggang ₱10,000 kada container, ₱500 lang ang kanilang nakukuha. Nadiskubre ang ₱59 milyon na halaga ng carrots at sibuyas na ipinasok bilang “chicken poppers.”
Tinukoy ito ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno bilang halimbawa ng consignees-for-hire kung saan ginagamit ang maliliit na trader bilang harapan ng mas malalaking negosyante. Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, malinaw na mga “dummy” lang ang ginagamit para makaiwas ang mga tunay na operator sa pananagutan.
Kasama rin sa imbestigasyon ang kaso ng isang FoodPanda rider na lumabas na rehistradong importer kahit wala siyang alam sa negosyo. Sabi ni Pangilinan, malinaw na may organisadong sindikato na kumokontrol sa agricultural smuggling. Nangako siyang makikipagtulungan sa Customs, DA, at law enforcement para buwagin ang operasyon.
Samantala, binanatan ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Agriculture dahil sa pagbibigay ng special import permits kahit may oversupply ng isda sa ilang lugar gaya ng General Santos at Bohol. Giit niya, nalulugi ang lokal na mangingisda habang ang mga isdang galing China ay naibebenta ng mura. Hiniling niya na bago maglabas ng permit, dapat may malinaw na market study para hindi masakripisyo ang kita ng mga Pilipinong mangingisda.