Ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez ay muling binalik sa Senate custody nitong Lunes, Setyembre 15, 2025. Naging kontrobersyal siya matapos akusahan ang dalawang senador na tumanggap ng kickback mula sa mga flood-control projects.
Matapos ang kanyang testimonya, humiling si Hernandez sa mga kongresista na huwag siyang ibalik sa Senado dahil sa takot sa kanyang kaligtasan. Una siyang inilagay sa PNP custodial center bago inilipat sa Pasay City Jail, ngunit dinala ulit sa Senado matapos ang hearing sa kanyang Writ of Amparo.
Sa isang liham, sinabi ng mga abogado ni Hernandez na ang sunod-sunod na paglipat ay nagdudulot ng pangamba. Naniniwala sila na ang pananatili niya sa Senado ay patunay na ang institusyon ay handa harapin ang katotohanan at protektahan ang mga naglalantad ng katiwalian.
Sa kanyang pahayag, tinukoy ni Hernandez na si Sen. Jinggoy Estrada ay nagpasok ng halos ₱355 milyon na budget insertions at nakatanggap ng kickback. Dagdag pa niya, si Sen. Joel Villanueva ay nag-endorso ng mga proyekto na umabot sa ₱600 milyon.
Ang usapin ng kanyang custody ay nagdulot ng banggaan sa pagitan ng Senate majority at minority bloc. Bilang kompromiso, una siyang inilagay sa Pasay City Jail, ngunit kalaunan ay ibinalik pa rin sa Senado.