
Ang korapsyon sa mga flood control projects ay mas malaki kaysa sa PDAF scam ni Janet Lim Napoles na nagbulsa ng humigit-kumulang ₱10 bilyon, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon. Aniya, ang Napoles scandal ay parang "barya lang" kumpara sa nangyayari ngayon.
Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, lumabas na 15 kontratista lamang ang nakakuha ng halos ₱100 bilyon na pondo mula sa mahigit 10,000 flood control projects. Higit sa kalahati sa mga proyektong ito ay walang malinaw na detalye kung anong klase ng istruktura ang ginagawa.
Nadiskubre rin ang mga “ghost projects” o mga hindi totoong proyekto at sinasabing may pay-off scheme sa pagitan ng mga kontratista, politiko, at ilang opisyal ng DPWH. Dahil dito, sinabi ni Dizon na dapat managot ang lahat ng sangkot sa “sindikato ng korapsyon.”
Dagdag pa niya, "Sobrang bigat ng nakita kong problema sa DPWH. Hindi ito madaling linisin at mangangailangan ng oras." Naghahanda na ang ahensya na magsampa ng reklamo sa Ombudsman laban sa mga opisyal at kontratistang sangkot sa malawakang pagnanakaw ng pera ng bayan.