
Ang Apple ay naglunsad ng bagong AirPods Pro 3 sa kanilang event nitong Setyembre 9. Ang bagong wireless earbuds ay may mas pinalakas na Active Noise Cancellation (ANC) at tampok na Live Translation para mas madali ang komunikasyon kahit iba ang wika.
Mas maliit ang disenyo ng AirPods Pro 3 kumpara sa naunang modelo para mas kumasya sa iba’t ibang uri ng tenga. May kasamang foam-infused ear tips sa limang sukat, na tumutulong para sa mas epektibong ANC—na ayon sa Apple ay doble ang lakas kumpara sa AirPods Pro 2.
Isa sa pinakamalaking update ay ang Live Translation gamit ang Apple Intelligence. Kayang magsalin ng salita at kahulugan ng mga pangungusap nang hands-free. Maaari rin nitong i-record at isalin ang sagot ng user at ipakita ito sa iPhone. Available muna ito sa English, French, German, Portuguese, at Spanish, at madaragdagan pa ng Italian, Japanese, Korean, at Chinese (Simplified) sa susunod na update.
Bukod dito, mas matibay at workout-ready na rin ang bagong earbuds dahil sa IP57 water at sweat resistance. May kasama ring heart rate sensor na kayang mag-monitor ng hanggang 50 exercises, calories burned, at heart rate. May 8 oras na battery life para sa tuloy-tuloy na pakikinig, at hanggang 10 oras sa transparency mode na may hearing aid function.
Ang AirPods Pro 3 ay mabibili sa Pilipinas sa halagang ₱14,990.