Ang Pinay tennis star na si Alex Eala ay nagpakitang-gilas sa Brazil matapos talunin si Yasmine Mansouri ng France, 6-0, 6-2, sa WTA250 Sao Paulo Open. Tumagal lamang ng 70 minuto ang laban kung saan halos hindi nakaporma ang kalaban.
Bilang No. 3 seed at kasalukuyang World No. 61, ipinakita ni Eala ang kanyang porma matapos manalo ng sunod-sunod na anim na laban, kabilang na ang kanyang makasaysayang panalo sa Mexico na nagbigay sa kanya ng unang WTA title para sa Pilipinas.
Susunod niyang makakaharap si Julia Riera ng Argentina, World No. 188, sa Round of 16. Kung mananalo si Eala, mas lalo pa siyang lalapit sa Top 50 sa world rankings.
Bukod dito, umangat din ang pangalan ni Eala nang talunin niya si Clara Tauson ng Denmark, World No. 15, sa US Open. Siya ang kauna-unahang Filipina na nakapasok at nanalo sa Grand Slam main draw, malaking karangalan para sa bansa.
Sa edad na 20, pinatunayan ni Eala na kaya niyang makipagsabayan sa pinakamagagaling sa mundo at unti-unting umaangat bilang isa sa mga pinakamalakas na tennis player ng Asia.