
Ang Land Transportation Office (LTO) ay pinatawag ang dalawang engineer mula sa DPWH na kabilang sa tinatawag na “BGC Boys” dahil umano sa paggamit ng pekeng driver’s license para makapasok sa casino.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, binigyan na ng show cause order ang mga sangkot at nakatakdang dumalo sa pagdinig sa Setyembre 12. Maaari silang maharap sa kaso ng paggamit ng pekeng dokumento, pagkansela ng lisensya, at posibleng pagkakakulong.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga alias na ginamit ng mga opisyal gaya nina Brice Ericson Hernandez at Henry Alcantara ay walang katumbas na lisensya sa talaan ng LTO. Dagdag pa rito, sinabi ni Mendoza na prayoridad nilang matukoy ang pinagmulan ng mga pekeng dokumento.
Sa pagdinig sa Senado, nabunyag na ang BGC Boys ay gumagamit ng alias upang makapasok at magsugal ng bilyon-bilyong piso mula sa pondo ng gobyerno. Umabot umano sa halos ₱950,000,000 ang naitalang pagkalugi ng grupo sa iba’t ibang casino sa Maynila, Cebu, at Pampanga.
Ipinapaalala ng LTO na labag sa batas ang paggawa, paggamit, at pagdadala ng pekeng lisensya alinsunod sa R.A. 4136.