
Ang mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya ay naglabas ng sinumpaang salaysay sa Senado kung saan idinadawit nila ang ilang kongresista at opisyal ng DPWH sa umano’y kickback scheme. Ayon sa kanila, simula pa noong 2016, naging normal na ang pagbibigay ng 10% hanggang 25% ng pondo ng proyekto bilang lagay upang makakuha ng kontrata sa gobyerno.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng Discaya na madalas personal nilang iniabot ang pera o idinaan sa mga district engineers at project officials na umano’y kumikilos para sa mga politiko. Binanggit din nila na ang perang hinihingi ay minsang umaabot sa ₱30 milyon para sa isang proyekto, at nakatala ito sa vouchers at ledger na ipapasa sa susunod na pagdinig.
Dagdag pa ng mag-asawa, kung hindi magbibigay ng “cut,” ay pinapahirapan sila gamit ang stop orders, disapproval ng project plans, o biglaang pagharang sa right-of-way. Dahil dito, napilitan silang makiayon dahil sa banta ng pagkakadelist, kanselasyon ng proyekto, o posibleng kapahamakan.
Kinuwento rin nila na bukod sa 25% para sa mambabatas, may dagdag pang 5% parking fee, kaya umaabot umano sa 30% ang nawawala sa bawat kontrata. Sa kabila nito, iginiit nilang sinusunod pa rin nila ang tamang specifications ng mga proyekto kahit maliit na lamang ang kanilang tubo—madalas nasa 2% hanggang 5% na lang.
Samantala, ilang senador gaya ni Raffy Tulfo at Jinggoy Estrada ay kinuwestyon ang mga pahayag ng Discaya. Pinuna rin ni Tulfo ang hindi matapos-tapos na ₱30 milyong proyekto sa UP Manila na hawak ng kompanya ng mag-asawa. Sa kabila ng mga alegasyon, ilang mambabatas at si Rep. Zaldy Co ay agad na itinanggi ang mga akusasyon at tinawag itong pulitikal na motibo.