
Ang mga nagprotesta sa Pasig City ay nagtipon sa labas ng St. Gerrard Construction, kompanya ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya. Binato nila ng putik ang gate at sinulatan ng “magnanakaw”, “corrupt”, at “ikulong” ang pader bilang simbolo ng galit sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon sa mga grupo, tinaguriang “Flood Control King at Queen” ang mag-asawang Discaya dahil sa halos ₱31 bilyon na proyekto. Giit ng mga nagprotesta, habang ang mamamayan ay lumulubog sa baha at putik, ang Discaya naman ay lumulubog sa pera mula sa proyekto.
Paliwanag ng Pasig Police, walang permit ang grupo at posibleng may kaso ng malicious mischief o paninira ng ari-arian. Gayunman, sinabi nilang nagpakita sila ng maximum tolerance at agad pinaalalahanan ang mga nagprotesta na kalaunan ay sumunod din.
Dagdag ng mga nagprotesta, mas salaula ang ginawa ng mga tinatawag nilang magnanakaw kaysa sa ginawa nilang kilos-protesta. Nangako silang hindi ito ang huling beses na pupuntahan nila ang mga kompanya at ari-arian ng mga sangkot sa korapsyon upang managot.
Kamakailan, umamin si Sarah Discaya na may 28 luxury cars at 9 construction firms. Pinabulaanan niya na galing sa buwis ng taumbayan ang kanyang yaman at itinangging may ghost projects, kahit na may koneksyon siya sa ilang opisyal ng DPWH.