
Ang neophyte na kasama ni John Matthew Salilig, estudyante ng Adamson na namatay sa umano’y hazing, ay umatras na sa kanyang testimonya laban sa mga miyembro ng fraternity.
Sa kanyang affidavit of desistance, sinabi niya na ayaw na niyang ituloy ang kaso sa korte sa Biñan, Laguna. Ayon sa kanya, ang unang pahayag niya ay dala ng stress, kalituhan, at kakulangan ng malinaw na pag-unawa sa mga nangyari.
“Gusto ko lang linawin na may ilang bahagi ng dati kong pahayag na hindi na tumutugma sa aking kasalukuyang paniniwala,” nakasaad sa kanyang sinumpaang salaysay. Idinagdag niya na ginawa niya ito nang kusa, para sa kanyang konsensya at kapayapaan ng isip, at wala umanong pamimilit o pananakot na nangyari.

Samantala, labis namang nadismaya ang pamilya ni Salilig. Ayon sa kanyang kapatid, “Siya pa ang lumapit sa amin, tapos gano’n lang pala ang gagawin niya.” Patuloy na naninindigan ang pamilya na ipaglaban ang hustisya para kay John Matthew.
Si Salilig, 24-anyos na chemical engineering student, ay naiulat na nawawala noong Pebrero 20, 2023. Mahigit isang linggo matapos, natagpuan ang kanyang bangkay na nakalibing sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite. Batay sa isang saksi, nakatanggap siya ng mahigit 70 palo bago siya namatay.