
Ang PhilHealth ay nagbuo ng isang espesyal na Anti-Fraud Unit para mag-imbestiga sa maling paggamit ng GAMOT program o Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment. Layunin nito na panagutin ang mga indibidwal o grupo na gumagamit ng programa sa ilegal na transaksyon.
Ayon kay Rey Baleña, acting vice president for corporate affairs, nakatutok ang bagong unit sa proteksyon ng pondo ng miyembro at sa pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang sangkot. Kasama rito ang Yakap sa Kalusugan program kung saan bahagi ang GAMOT.
Upang masiguro na tunay at buhay ang mga miyembro, ang pagpaparehistro sa Yakap clinics ay isinasagawa gamit ang eGov PH app na konektado sa National ID system. Mayroon ding mas mahigpit na proseso ng verification sa point of service para maiwasan ang pandaraya.
Nanawagan si Baleña sa lahat ng miyembro na agad i-report ang anumang fraudulent activities laban sa mga programa ng PhilHealth. Sa ilalim ng GAMOT program, maaaring makakuha ang miyembro ng hanggang ₱20,000 halaga ng 75 klase ng gamot kada taon.
Sa kasalukuyan, mayroong 8 accredited GAMOT facilities sa Metro Manila at 24 na pharmacies at drug stores ang kasalukuyang nag-a-apply para ma-accredit sa programa.