
Ang pangalan ko ay Mik (26F). Gusto ko lang ibahagi ang istorya ng buhay ko, isang kwento ng pag-ibig, pangarap, at pagkawala. Halos 7 taon kaming nagsama ng partner ko na 27 years old. Hindi kami nagpakasal dahil pareho kaming nangarap na makapag-abroad muna para mabigyan ng mas magandang buhay ang magiging pamilya namin.
Noong una, mahirap. 18 ako at siya ay 20 noong nagsimula kami. Hindi boto ang pamilya niya sa akin dahil siya lang ang kaisa-isang anak at gusto nila ng “the best” para sa kanya. Pero siya, pinaglaban niya ako, at hindi siya bumitaw. Doon ako humanga sa kanya, kasi hindi siya natakot ipakita na ako ang mahal niya. Mula noon, pinangarap namin ang isang masayang pamilya, kahit simple lang basta magkasama.
Dumating yung panahon na nagdesisyon siyang magsapalaran abroad. Habang lumalaki ang pamilya namin, mas lalo siyang naging determinado. May dalawa kaming anak — isang babae na 3 taong gulang at isang lalaki na 2 taong gulang. Nakumpleto na niya lahat ng papeles noong nakaraang taon. Konting-konti na lang, aalis na siya ng bansa. At doon magsisimula ang bagong buhay namin.
Pero isang araw, nagbago ang lahat. Noong Nobyembre 15, 2024, nagkaroon siya ng aksidente. Sa isang iglap, n4m4t4y siya. Pakiramdam ko, gumuho ang mundo ko. Lahat ng pangarap namin biglang nawala. Ang plano naming pamilya, ang pag-alis namin abroad, lahat yun parang bula. Para akong bumalik sa zero, hindi ko alam paano magsisimula. At ang mas masakit pa, Nobyembre 27, 2024, sa araw na dapat hawak na niya ang kanyang passport, nailibing siya.
Hindi ko alam paano haharapin ang bawat araw. Minsan naiisip ko, bakit kailangan mangyari ito sa amin? Sa dami ng taong may mga pangarap, bakit kami pa? Ang dapat na simula ng magandang buhay ay nauwi sa wakas ng isang pangarap na pinaghirapan namin ng maraming taon.
Ngayon, araw-araw akong lumalaban para sa dalawa naming anak. Sila ang tanging lakas ko para bumangon. Oo, sobrang lungkot at sakit ang iniwan sa akin, pero lagi kong iniisip na kailangan kong magpatuloy. Hiling ko lang na balang araw, magkaroon din kami ng happy ending. Hindi man kapareho ng inaasam namin noon, sana magkaroon kami ng pagkakataon na maging masaya, buo, at payapa bilang pamilya.
Hindi ko alam kung kailan, pero umaasa pa rin ako na darating ang araw na mararamdaman ko ulit ang tunay na ligaya. Sa ngayon, kakapit lang ako sa mga alaalang iniwan niya at sa pagmamahal ng mga anak namin.