Ang pag-usbong ni Kevin Quiambao sa Gilas Pilipinas ay hindi sorpresa para kay Coach Tim Cone. Sa 2025 FIBA Asia Cup, ipinakita ng two-time UAAP MVP ang galing niya matapos maging isa sa pinaka-maaasahang scorer ng koponan.
Si Quiambao ay nagtala ng 12 puntos, 2.2 rebounds, at 1.6 assists kada laro, at pumangatlo sa scoring ng Gilas sa likod nina Justin Brownlee (20.6 puntos) at Dwight Ramos (16.8 puntos). Sa kabila ng limitadong minuto, nagtala siya ng 17 puntos kontra Chinese Taipei, isa pang 17 puntos laban sa Saudi Arabia, at muling 17 puntos na may 4 rebounds kontra Australia kung saan siya ang nanguna sa scoring habang hirap si Brownlee.
Ayon kay Cone, mahalaga ang papel ni Quiambao sa pagbubuo ng bagong core ng Gilas kasama sina Ramos, AJ Edu, Carl Tamayo at Kai Sotto. Binanggit din niya na handa si Quiambao sa malalaking laban, at unti-unting nagiging kumpiyansa sa kanyang laro.
Dagdag ni Cone, ang koponan ay patuloy pang lalakas dahil sa mga batang manlalaro na tulad ni Quiambao. Ang layunin daw ay hindi lang para sa isang torneo kundi para sa mas pangmatagalang tagumpay ng Gilas Pilipinas.
Magbabalik-aksiyon ang Gilas ngayong taon sa unang window ng FIBA World Cup qualifiers, kung saan inaasahang mas titibay pa ang koponan.