
Ang Pilipinas at India ay pumasok sa isang makasaysayang yugto kahapon matapos opisyal na itatag ang isang strategic partnership at lumagda ng 13 kasunduan para sa mas malawak na kooperasyon. Ang deklarasyon ng partnership ay isinagawa sa ikalawang araw ng limang araw na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India.
Ayon kay Marcos, layunin ng kasunduan na palakasin ang kooperasyon sa mga larangang hindi pa ganap na napagtutuunan tulad ng depensa, kalakalan, pamumuhunan, kalusugan at turismo. Sinabi niya, “Ito ay isang makabuluhang hakbang para sa Pilipinas. Pinili namin ang tamang oras at paraan bago umangat sa ganitong antas ng ugnayan.”
Ginawa ng Pilipinas na ikalimang strategic partner ang India, kasunod ng Japan, Vietnam, Australia at South Korea. May plano rin ang dalawang bansa para sa Action Plan 2025-2029 upang gabayan ang mga proyektong isasagawa sa susunod na limang taon.
Kabilang sa 13 kasunduan ang:
Mutual legal assistance sa mga kasong kriminal
Kasunduan sa paglilipat ng mga taong hinatulan
Programang pang-agham at teknolohiya
Memorandum para sa digital technologies
Pagpapalakas ng maritime cooperation at seguridad sa karagatan
Programang pangkultura at kooperasyon sa turismo
Tinalakay din nina Marcos at Modi ang pagpapalakas ng depensa at seguridad. Nagkasundo silang magpatuloy sa pagpapalitan ng impormasyon, pagsasanay at port calls para mapataas ang kakayahan ng hukbong dagat at coast guard. Pinuri rin ni Marcos ang pagsuporta ng India sa modernisasyon ng depensa ng Pilipinas, kabilang ang proyekto para sa BrahMos missile system.
Sa usaping ekonomiya, nagkasundo ang dalawang lider na pabilisin ang pagbuo ng bilateral preferential trade agreement at palawakin ang kalakalan at pamumuhunan. Layunin nilang palakasin ang supply chain, seguridad sa pagkain, at pagtutulungan laban sa terorismo.