Ang comedians na sina MC Muah at Lassy Marquez ay umaming nalugi sila ng higit P10 milyon sa sugal. Sa isang panayam, ibinahagi nila kung paano nagsimula ang kanilang pagkalulong sa casino at kung paano nila ito nalagpasan. Ayon kay MC, nagsimula ang kanyang bisyo matapos pumanaw ang kanyang mga magulang.
Ikinuwento ni MC na una siyang naengganyo pumunta sa casino para malibang. “Masaya sa umpisa, pero kapag natalo ka na, doon mo mararamdaman ang pagsisisi. Hanggang gusto mo bumawi, kaya tuloy-tuloy na,” sabi niya. Sa isang gabi, umabot sa ₱800,000 ang pinakamalaking talo nila. Ganito rin ang nangyari kay Lassy na sumama lang noong una para hindi maiwan ng grupo, hanggang sa nasanay na rin siya.
Dumating sa punto na nagtatrabaho lang sila para may ipangsu-sugal. Nawalan sila ng tulog at halos hindi na nakakapahinga. “Hindi kami proud dito, pero ikinukuwento namin para magsilbing aral,” sabi ni MC. Umabot sa mahigit ₱10 milyon ang kabuuang nawala sa kanila mula 2011 hanggang 2016.
Nagdesisyon si Lassy na huminto noong 2018 para makaipon at magkaroon ng sariling bahay. Naiwan na lang daw siya sa utang at pagsasangla ng alahas. Para kay MC, tumigil siya nang makita niyang halos wala na siyang naipon kahit matagal na siya sa comedy bar. “Nakita ko P3,000 na lang laman ng account ko,” sabi niya. Nagdasal siya para sa panibagong simula at nakahanap ng bagong pagkakakitaan.
Ngayon, mas maayos na ang kanilang buhay at tinatawag nila itong tunay na “financial freedom.” Wala na silang iniisip na utang at mas nakatuon na sila sa kanilang pamilya at maayos na pamumuhay.