Ang PNP ay nakahuli ng online seller na may 11 text blaster mula sa dating POGO companies sa Taguig. Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, nahuli ang 36-anyos na lalaki sa isang entrapment operation noong July 20 matapos subukang ibenta ang mga unit sa halagang ₱25,000 bawat isa.
Sinabi ni Brig. Gen. Bernard Yang na bawal magbenta at magmay-ari ng ganitong text blaster machines dahil hindi ito aprubado ng NTC. Dagdag pa niya, madalas itong ginagamit sa text scams, kung saan nagpapadala ng links para makuha ang personal data, bank accounts, at credit card info ng biktima.
Sa imbestigasyon, lumabas na buy-and-sell ang trabaho ng suspek at nakuha niya ang mga device mula sa mga saradong POGO offices. Nasa custody na ng Taguig Police ang suspek at posibleng maharap sa kaso sa ilalim ng Philippine Radio Control Law at Cybercrime Prevention Act. Ayon sa PNP, 17 katao na ang nahuli ngayong taon sa pagbebenta ng text blasters at signal jammers online.