Ang tawag na “bakla” kay Baste Duterte ay mali at nakakasakit. Hindi dapat ikabit ang salitang ito sa pagiging duwag dahil maraming miyembro ng LGBT na matatapang at hindi umaatras sa laban. Ang pagiging bakla ay hindi sukatan ng tapang o takot.
Ang mali ni Baste ay ang pagtawag na “unggoy” kay PNP Chief Nicolas Torre III. Kahit sabihin na biro o “figure of speech,” malinaw na pambabastos ito. Lalo na’t may parusa sa pananakit kahit ng hayop, paano pa kung tao? Natural lang na ma-offend si Torre sa ganitong salita.
Ang hindi rin maganda ay nang tinanggap ni Torre ang hamon na suntukan. Kahit para sa charity, mas mainam sanang hindi na pinansin. Imbes na makuha ang respeto, parang naging katawa-tawa ang sitwasyon nang sumampa siya sa ring para sa labanang hindi natuloy dahil hindi sumipot si Baste.
Sa halip na sumipot, namasyal pa si Baste sa Singapore kasama ang pamilya. Tuloy, parang nasundan lang niya ang yapak ng ama niyang si dating Pangulong Duterte na minsan ding naghamon ng barilan pero hindi rin sumipot. Kaya nga, sabi nga ng iba, “like father, like son.”