Ang mga awtoridad sa India ay inaresto ang isang lalaki na nagtayo ng pekeng embahada at nagpanggap na ambassador upang makapanloko ng investors.
Kinilala ang suspek na si Harshvardhan Jain. Itinayo niya ang pekeng embahada sa isang bungalow sa Ghaziabad at gumawa ng mga dokumentong peke para magmukhang lehitimo. Naglagay pa siya ng mga bandila ng kathang-isip na bansa gaya ng “Ladonia,” “Poulva,” “Seborga,” at “Westarctica.”
Sinalakay ng Special Task Force (STF) ng Uttar Pradesh Police ang embahada at doon naaresto si Jain. Nakumpiska ang apat na sasakyan na may pekeng diplomatic plates, mga pekeng passport, selyo para sa 34 na bansa, pera na 44 lakh rupees (P2.9M), at mamahaling relo.
Ayon sa imbestigasyon, nag-alok si Jain ng trabaho at business deals kapalit ng malaking bayad. Pinaghihinalaan din siyang sangkot sa money laundering gamit ang pekeng kompanya sa UK, Mauritius, at UAE.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Jain at iniimbestigahan sa mga kaso ng panloloko. Paalala ng mga awtoridad: maging maingat sa investment deals na mukhang sobrang ganda para maging totoo.