Ang isang 15-anyos na binatilyo ay natagpuang patay sa loob ng kanyang kwarto sa Lapu-Lapu City noong Miyerkules, Hulyo 23. May tama siya ng bala sa ulo at may baril na nakita sa tabi niya.
Ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, tagapagsalita ng Lapu-Lapu City Police, pinaniniwalaang nagpakamatay ang estudyante na nasa Grade 10. Sa crime scene, nakita ang isang .45 caliber pistol na pag-aari ng kanyang ama na isang pulis.
Sinabi ni Torres na ang baril ay personal na gamit ng ama at may kumpletong papeles at lisensya. Nakalagay ito sa loob ng isang locker ngunit pinilit itong buksan ng biktima at kinuha ang baril.
Bago ang insidente, ayon sa imbestigasyon, nagalit ang ama sa anak dahil umuwi ito ng gabi mula sa paglabas. Patuloy na iniimbestigahan kung may pananagutan ang ama sa nangyari.