
Ang baha sa Bulacan ay umabot hanggang leeg at lagpas-bubong sa ilang lugar matapos ang walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Crising, habagat, at panibagong Low Pressure Area (LPA). Lalo pang lumala ang sitwasyon nang sabayan ito ng malalakas na high tide kahapon.
Base sa ulat, umabot sa 4.6 talampakan ang taas ng high tide dakong 6:14 ng umaga. Dahil dito, ilang barangay tulad ng Frances, Meysulao, at San Miguel, Calumpit ay lubog sa baha, umabot pa hanggang leeg ang tubig.
Ayon sa PDRRMC, apektado ang 13 bayan at 3 lungsod kabilang ang Hagonoy, Calumpit, Balagtas, Bocaue, Paombong, Guiguinto, at mga lungsod ng Meycauayan, Baliwag, at Malolos. Pati ang kilalang Barasoain Church ay hindi nakaligtas sa pagbaha.
Nagpakawala rin ng tubig ang Bustos at Ipo Dam, na nagpalala pa ng pagbaha. Dahil sa malakas na agos, bumigay ang tulay na nag-uugnay sa Doña Remedios Trinidad at San Miguel. Sa ilang lugar gaya ng Guiguinto at Bulakan, bangka na ang gamit para makatawid.
Mahigit 900 pamilya o 2,000 katao ang lumikas nitong Lunes ng hapon. Dahil dito, sinuspinde ang klase at trabaho sa pampublikong tanggapan ngayong Miyerkules para sa kaligtasan ng lahat.