
Ang online gambling ay sumisira sa mga pamilya, ayon kay Pangulo Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pinakabagong vlog. Dahil sa teknolohiya at digitalization, mas naging madali para sa mga Pilipino ang makapasok sa sugal online. “Maraming pamilya ang nasisira sa sugal lalo na kung hindi ito ginagamit sa tamang paraan,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na ang teknolohiya ay dapat gamitin para mapadali ang proseso ng gobyerno, mapaganda ang edukasyon at kalusugan, at mapalakas ang kabuhayan ng pamilya—hindi para sirain ito. Ayon sa kanya, ginagamit na rin ngayon ang teknolohiya sa scams, fake news, at online gambling, na madalas ay nabibiktima ang maraming tao.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, bawal na ang POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators). Pero patuloy pa rin ang pag-aaral ng gobyerno sa iba pang uri ng online gambling na hindi sangkot sa panloloko.
Ilang senador tulad nina Sherwin Gatchalian, Juan Miguel Zubiri, at Risa Hontiveros ay nananawagan ng total ban sa online gambling. Gumagawa na si Gatchalian ng batas na magpaparusa hindi lang sa mga operator, kundi pati na rin sa mga endorser at e-wallet providers.
Samantala, si Bise Presidente Sara Duterte ay tutol din sa online gambling, lalo na’t madaling ma-access ito ng kabataan. Ayon sa kanya, pwede itong magdulot ng adiksyon, pagkabaon sa utang, at problema sa pamilya. Suportado niya ang regulated gambling, basta hindi ito madaling ma-access online.