
Ang bagyong Crising ay lumakas at naging tropical storm ngay nitong Biyernes, Hulyo 18. Ayon sa PAGASA, nasa 335 km silangan ng Echague, Isabela ang sentro ng bagyo, at may hangin na aabot sa 65 kph at bugso na hanggang 80 kph. Kumikilos ito pa-kanluran hilaga sa bilis na 20 kph.
Signal No. 2 ay itinaas sa mga lugar gaya ng:
Batanes, Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), hilaga at silangang bahagi ng Isabela, Apayao, bahagi ng Kalinga, Abra, Ilocos Norte, at bahagi ng Ilocos Sur. Asahan ang hangin mula 62 hanggang 88 kph na may dalang panganib sa buhay at ari-arian.
Signal No. 1 naman ay naka-taas sa:
Natitirang bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, iba pang bahagi ng Kalinga, Abra, Ilocos Sur, La Union, Aurora, Pangasinan, Nueva Ecija, at ilang bahagi ng Bicol at Visayas. Posibleng makaranas ng hangin mula 39 hanggang 61 kph.
Malalakas na hangin at ulan ang mararamdaman sa maraming bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao mula Hulyo 18 hanggang 20 dahil sa habagat na pinalakas ng bagyo. Kabilang dito ang Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, at ilang bahagi ng Mindanao.
Nagbabala rin ang PAGASA sa masungit na lagay ng dagat.
Pinayuhan ang mga mangingisda at maliliit na bangka na huwag muna pumalaot sa mga lugar na may mataas na alon na aabot mula 2.0 hanggang 5.0 metro. Delikado ito sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.
Ayon sa forecast, posibleng mag-landfall si Crising sa Cagayan o Babuyan Islands sa hapon ng Hulyo 18. Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Sabado, Hulyo 19, at maaaring lumakas pa bilang severe tropical storm.