Ang isang TNVS driver mula sa InDrive ay sinipa sa platform matapos umanong manakot ng pasahero gamit ang patalim. Ayon sa InDrive, agad nilang binlock ang driver dahil hindi ito tumugon sa kanilang imbestigasyon. Inamin nilang may zero tolerance sila sa anumang uri ng pananakot o karahasan.
Kinuhanan ng video ni Bayan Patroller Tinne Vertudazo ang insidente matapos mag-init ang ulo ng driver dahil sa hindi pagkakaintindihan sa drop-off location. Kwento ni Vertudazo, ang pinili nilang lokasyon ay sa condo sa Binondo, pero pinilit sila ng driver na bumaba sa ibang lugar. Nang ayaw nilang pumayag, sinabihan pa raw siya ng masama ng driver.
Lumabas sa CCTV na matapos bumaba ng pasahero, bumalik ang driver sa sasakyan at kumuha ng patalim. Doon umano niya tinangkang takutin ang magkasintahan. Kaya’t naghain ng reklamo si Vertudazo sa Manila Police at balak pa niyang magsampa ng kaso.
Sinuspinde ng LTO ang lisensya ng driver sa loob ng 90 araw. Tinawag din ng ahensya ang operator, driver, at InDrive representative para sa hearing. Ayon sa DOTr, dapat managot ang InDrive sa kilos ng kanilang mga driver.
Depensa ng driver, mali raw ang pin ng pasahero at laruan lang ang dala niyang patalim. Humiling siya na muling pakinggan ng LTO at InDrive ang kanyang panig para maibalik ang kanyang lisensya.